Tuesday, September 2, 2014

Ang Wika Kong Tuwali

 (Last week, Buwan ng mga Wika (Languages Month) in the Philippines, a researcher came to me for an interview regarding my native language.  According to her, the research is part of a project sanctioned by the Philippine government's Komisyon sa Wikang Filipino.  The interview is rendered in the native language and to be translated into Filipino.  It was a good thing that I was given a guide beforehand on the interview that I was able to write what it was in my mind.  The questions ranged from the description of the ethnolinguistic group to which I belong and the language used.  The interview wounded up with regards to the mixing up of native language to regional, national, and international languages.  This article is resulting from said interview)

Ifugao – ito ang pagkakilala kong tawag sa ethnoliguistic group na kinabibilangan ko.  Tuwali naman ang batid kong tawag sa wika ng grupong ito.

Ang alam ko, Ifugao din ang tawag ng mga taga-ibang lugar sa amin.  Sa palagay ko, nabigyang-diin ang tawag na ito sapagkat Ifugao ang pangalan ng probinsiya namin.  Gayunpaman, marami pa ring taga-ibang lugar, kapwa Pilipino at banyaga, ang nagtuturing sa mga Ifugao bilang mga Igorot, isang bagay na napagtatalunan hanggang ngayon.  Maraming Ifugao kasi ang hindi tanggap ang pagpapalagay na sila ay Igorot.  Natala sa ilang libro na bagamat Igorot ang pangkalahatang pantukoy ng mga sumakop na Kastila sa mga katutubo na kanilang nadatnan sa mga bulubunduking natawag na Gran Cordillera, ang salitang Ifugaw bilang pantukoy sa mga katutubo ay nagamit din sa mga unang ulat ng mga banyagang unang nakarating sa lupaing sakop ng ngayo’y lalawigan ng Ifugao.

Ang salitang Ifugao ay pinaniniwalaang hango sa unlaping “i-”, na ang ibig sabihin ay “mula sa” at salitang-ugat na “pugo” na tumutukoy sa isang babahagyang patag na lugar sa gilid ng burol o bundok.  Mapupuna na ang mga kabahayan at nayon ng mga Ifugao ay natatatag sa mga ganitong klaseng lugar.  May mga ibang teorya na ang salitang Ifugao ay may kinalaman sa pagsasaka ng mga katutubo.  Mapapansin na ang salitang pinugo ng mga taga-Banaue, isang bayan sa Ifugao, ay nangangahulugang palayan sa mga gilid ng bundok.  Bukod pa rito, isa sa mga uri ng palay na sinasaka ng mga taga-Ifugao ay ang Ipuggo.

Ang salitang Tuwali naman ay pinaniniwalaang pagpapangalan ng mga naunang mananaliksik sa wika na nakarating sa Ifugao.  Kapag ito’y isinalin sa Tagalog, ang ibig sabihin ay pwedeng “na nga”, “kasi”, o "dahil."  Halimbawa, kung sakali ang tanong ay “Ano ang tawag sa inyong wika?” Pwedeng sasagot ang kausap ng “On hapit tuwali oya dan gahin on ngadanan?” Ang salin nito sa tagalog ay, “Wika na nga, kailangan pa bang pangalanan?” (Ito ang haka-haka kong usapan ng mga unang mananaliksik at ang mga katutubo na humantong sa pagpapangalan sapagkat tuwali ang nabatid ng mananaliksik.)  Iba pang halimbawa ng gamit ng tuwali – “Ngay inat mu tuwali?” na ang salin ay “Anong ginawa mo kasi?”; Tanong: Bakit di ninyo ininom ang alak?, Sagot: “Tuwali ot makalannu” na ang salin ay “Dahil ito’y napakaasim.”  Bukod sa haka-hakang ang tuwali ang unang narinig ng mananaliksik bilang panngalan ng wika, mapapansing ang salitang ito ay karaniwan at madalas ginagamit sa araw-araw na pakikipagtalastasan.  Maari ring masabi na ito ay natatanging salita kaya’t mainam ipangalan sa wika.

Ang Tuwali ay sinasalita sa gitna’t hilagang-kanluran ng Ifugao.  Ang mga partikular na lugar ay ang mga bayan ng Hingyon, Kiangan at Hungduan at ilang mga barangay o bahagi ng mga bayan ng Tinoc, Asipulo, Lamut, Lagawe na kabisera ng lalawigan, at Banaue.  May mga nayon ding nagsasalita ng Tuwali sa ilang bahagi ng Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, Benguet at Baguio City.  Ito ay mga kumpol ng mga dayong Ifugao na namalagian na sa mga nasabing lugar.  Kung pagsuma-sumahin ang mga indibidwal na gumagamit ng Tuwali, sa tantiya ko’y aabot ito ng humigit-kumulang isandaang libo.  Lagpas ito sa kalahati ng populasyon ng buong lalawigan ng Ifugao.  Sa palagay ko ay dumarami ang nagsasalita ng wikang Tuwali.  Ang dagok lang siguro ay ang pagkahalo ng wikang Ingles, Filipino, at Iluko.

Para sa akin, may apat na mga pangunahing baryasyon ng salitang Tuwali.  Ito ay ang wikain sa Kiangan at Hungduan, ang wikain sa Hingyon, wikain sa Lagawe, at ang wikain sa Banaue.  Bagaman ang huli (wikain sa Banaue) ay itinuring ng ethnologue.com bilang hiwalay na wika (at pinangalanang Amganad Ifugao) sa Tuwali, paniwala ko na ito lamang ay baryasyon ng wikang Tuwali. Nagkakaintindihan naman ang mga taga-Amganad, Banaue at ang iba pang nagsasalita ng wikang Tuwali.  Kung mayroon mang pagkakaiba sa ilang terminolohiya, pwedeng masabing ang mga itoy magkasingkahulugan lamang.

Ang isang pagkakakaiba at pagkakilanlan sa kaibhan nga mga wikaing Tuwali ay sa gamit ng ilang grapheme katulad ng ‘k’.  Ang Tuwali ng Kiangan ang pinakamayaman dito.  Ang ibang graphemes na nagdudulot ng kaibhan ay ang ch.  Nagkakaiba rin sa ilang glottal stops, function words, auxiliaries at iba pang aspetong linggwistiko.  Upang ilarawan ang mga ito, narito ang ilang halimbawa. 
Filipino
Tuwali-Kiangan
Tuwali-Lagawe
Tuwali-Hingyon
Tuwali-Banaue
Papunta ako
Umaliak
Umaliya’
Umaliya’
Umaliya’
Punta ka
Umeka
Ume-a
Ume-a
Ume-a
diket
Dayakkot
dayakkot, chayakkot
dayakkot, daya’ot
daya’ot
Punta ka na.
Ekago.
Ekago.
Ekabo.
Ekabo.
Why?
Tipe’
Kanape?, Nape?
Nganu? Onnganu?
Tanganu?

Sa bawat pangunahing baryasyon ay may mga pailalim na iba pang kaibhan.  Halimbawa na lamang sa Hingyon, nag-iiba minsan sa bawat barangay.  Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.
Tagalog
Barangay Bitu at Anao, at iba pa
Barangay Mompolia at ilang iba pa
pambayo
lal-u
lalu
sabihin
kalyon
alyon
bitagin
botakon
botaon
short
tikke
tikke, ti’e

Napupuna rin na nagkakaiba sa pagbigkas.  Halimbawa, sinasabing ang mga katutubo sa Barangay Cababuyan ng Hinyon ay mabigat ang kanilang pagbigkas kaysa sa ibang barangay ng Hingyon.


Sa palagay ko ang Tuwali ay malapit sa salitang Kan-kanaey ng Benguet bagaman walang bahagi ng Ifugao ang nagsasalita nito.  Siyempre malapit din ito sa ibang mga wika na mayroon ang lalawigan ng Ifugao.

Ang mga ibang pangunahing wika na katutubo sa Ifugao ay ang Ayangan, Kalanguya, at Iluko.  Ang sinasabing Ayangan na bahagi ng Ifugao ay ang gitnang silangan nito.  Sakop nito ang silangang Banaue, mga bayan ng Aguinaldo at Mayoyao, ang sitio Humalophop ng Barangay Mompolia sa Hingyon, silangang Lagawe at silangan hangggang katimugan ng Lamut, at ilang bahagi ng Asipulo.  Hindi lang ako sigurado kung ang mga salita sa bawat lugar na nabanggit ay pwedeng maituring na baryasyon ng wikang Ayangan o maituturing na mga hiwalay na wika.  Ang ethnologue.com ay kinikilala ang Ifugao Mayawyaw (tinutukoy ang Mayoyao) at Ifugao Bayninan (tinutukoy ang Bayninan na barangay ng Banaue) bilang mga hiwalay na wika.

Ang Kalang-uyya naman ay ang wika ng karamihan sa Tinoc at Asipulo.  Sinasabing mayroon itong baryasyon na tinatawag na Keley-I na sinasalita sa isang barangay sa Asipulo.  Ang Iluko naman ang pangunahing wika sa mga bayang pinakamalapit sa kapatagan, ang kalagitnaan ng bayan ng Lamut at ang bayan ng Alfonso Lista.

Sa tingin ko ay mataas ang pagkilala ng mga katutubo sa kanilang sariling wika.  Ginagamit ito sa pang-araw-araw na pag-uusap katulad ng sa palengke, sa pagitan ng mga mag-anak, at sa magkakapitbahay/magkakaibigan.  Ginagamit din ito ng mga kandidato sa pangangampanya tuwing halalan.  At bagaman sa simbahan, ang mga services o misa ay kadalasang sa wikang Ingles, madalas ding ginagamit ang katutubong wika sa mga sermon at dasal.  Mapapansin din na may mga lipi ng Bibliya sa Tuwali Kiangan at Tuwali-Banaue (Amganad).

Katulad ng naunang nabanggit, karamihan sa mga katutubo ay kayang magsalita sa mga wikang Ingles, Filipino, at Iluko.  Itong mga wika na banyaga sa Ifugao ay kadalasang natututunan sa mga pahayagan, eskwelahan, telebisyon at radio.  Mapupuna na karamihan sa mga local na istasyon ng telebisyon at radio na sumasakop sa Ifugao ay nakabase sa Isabela na Iluko ang isa sa pangkalahatang katutubong wika.
Kahit sa pangkaraniwang pakikipagtalastasan ay nagagamit ang paghalo sa wikang hindi katutubo sa lugar.  May mga pagkakataon kasi na mas maipapaintindi o maipapaanuwa ang sentido o damdamin ng sinasabi sa pamamagitan ng banyagang wika.  At maaamin rin na hindi mayaman ang wikang katutubo sa mga terminolohiya sa mga araling agham, matematiko, at kahalintulad na paksain.

Pwedeng masabi na bata pa lang ay katutubong wika na ang natututunan. Kaya lang, bata pa lang din ay natututo na rin sa paghalo ng wika.  Halimmbawa na lamang ang paggamit ng “Very good”para ikalugod ang mabuting nagawa ng isang musmos.  Madalas ding ginagamit ang salitang “good” at “bad” para ipaunawa sa bata ang isang mabuti o masamang bagay.  Mayroon itong mga katumbas na salita sa Tuwali, maphod para sa good at madmadi o naiho para sa bad, ngunit kadalasang pinapaboran ang paggamit ng good at bad sa pakikipag-usap sa isang musmos.  Dahil dito, sanggol pa lamang ay hindi na siya monolinggwal.  Siyempre ang pormal na pag-aaral ng Filipino at Ingles ay nagsisimula kapag pumasok na sa eskwelahan.


Sa salitang katutubo ko kinakausap ang aking mga anak.  Ito ang itinuturo ko sa kanila sapagkat sa bahay naman talga dapat matututunan ito.  Ang gusto ko ay matutunan nila ito kagaya ng pagkabihasa nila sa Ingles o Filipino sa eskwelahan.

Ang sinasabing wikang pangkalahatan sa Ifugao ay ang wikang Tuwali.  Mataas ang paggamit nito sa sentro ng Ifugao.  Ang mga Ayangan at Kalanguya ay natutunang gamitin ito.

Ang wikang pangrehiyon naman ay ang Iluko.  Matatandaan na ito’yt isang pangunahing wika sa ilang bahagi ng Ifugao.  Mapupuna rin na ang Ifugao ay kalapit ang mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Isabela, at Quirino na mataas ang paggamit sa Iluko.  Iluko rin ang wika sa Lungsod ng Baguio kung saan kadalasang nagkakasalubong ang iba’t ibang etnolingwistikong grupo sa Cordillera.  Dahil dito ay  mahalaga ang matuto sa Iluko upang mapadali ang pakikipag-unayan sa mga taga-ibang lugar sa mga aspetong akademiko, kalakal, ibang mahahalagang gawain at kahit sa pangkariniwang pakikipag-usap.  Sa kahalintulad na katwiran, mahalaga din ang Wkang Filipino dahil ito ang wika ng bansa, at ang Ingles dahil ito ang wika ng mundo.  Nasasabi ko man ito ay mainam pa rin para sa akin ang pagkabihasa sa katutubong wika katulad ng sa mga wikang banyaga sa lugar.  Sa paraang ito ay masisiguro ang tuloy-tuloy na pagkabuhay ng wikang katutubo.