Huling linggo ng Agosto. Karamihan sa mga paaralan ang nagdadaos ng
kanilang pangwakas na palatuntunan sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Hinala ko na marami ang nag-aalingawngaw sa mga linyang, “Ang pagmamahal
sa Pambansang Wika ay nagsisimula sa unang araw at nagtatapos din sa huling
araw ng Agosto.” Bagaman kadalasang ito’y sinasabi ng pabiro, mayroon
itong bahaging makatotohanan. Isang halimbawa ang paggamit ng Wikang
Filipino sa mga palatuntunan sa buwan ng Agosto ngunit isang banyagang wika ang
kadalasang nagagamit sa ibang mga buwan lalo na sa mga lugar na hindi Tagalog,
ang saligan ng Filipino, ang karaniwang gamit ng mga tao.
Hindi ibig sabihin na ang paggamit ng Wikang Filipino sa mga palatuntunan ang
tanging paraan ng pagpapakita ng pagmamahal nito. Marami pang ibang
paraan para mapalago at mapaunlad sa wika na siya naman talagang pakay ng
pagmamahal nito. At hindi rin ibig sabihin na tanging ang Filipino ang
wika sa bansa na kailangang mahalin. Nariyan ang English na kailangan sa
pakikipagtalastasan sa mga taga-ibang bansa. Ang ating bansa ay isang
paboritong destinasyon ng mga banyagang turista kaya kahit ang karaniwang
mamayan, hindi lamang ang mga mangangalakal at mga tagapangasiwa ng mga bagay
na may kinalaman sa ibang bansa, ay kailangang bihasa sa isang banyagang wika
upang maging angkop ang paglalarawan sa ating bansa at pakikitungo sa mga
banyaga. Nariyan din ang mga napakaraming katutubong wika na pananagutan ng
bawat katutubo na panatilihing buhay.
Ang wika ay buhay kapag dito umaagos ang kultura ng isang lipunan.
Kultura ang tawag sa mga bagay-bagay – adhikain, kaisipan, paniniwala,
kamalayan, at iba pa – na pinaninindigan ng mga kasapi sa lipunang ito.
Halimbawa na lamang ang konsepto ng matuwid na daan. Ito ay adhikain ng
lipunang Filipinas.
Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, “Wika Natin ang Daang Matuwid”, ayon
sa Komisyon ng Wikang Filipino na siyang namumuno sa pagsulong ng pagpapaunlad
ng Pambansang Wika, ay “patungkol sa kapangyarihan ng Wikang Filipino bilang
tagapagbuklod ng iba’t ibang sector sa lipong Filipino tungo sa bisyon ng isang
matuwid na daan ng dangal at kaunlaran.” Ito ay pinangkat sa limang
sangay na tema. Una ay ang Wika bilang wika ng katarungan at kapayapaan.
Pangalawa ay wika laban sa katiwalian. Pangatlo ay wika bilang sandata
laban sa kahirapan. Pang-apat ay wika para sa mabilisan, ingklusibo at
sustenadong kaunlaraan. At panglima, ay wika sa pangangalaga ng
kapaligiran.
Marami ang nagsasabi na ang tema ay napapanahon lalong-lalo na at sa nakaraang
mga linggo ay laman ng balita ang katiwalian patungkol sa Priority Development
Assitance Fund (PDAF) na kung nagamit sana sa tamang paraan ay maraming
naitulong upang maibsan ang kahirapan, maisulong ang katarungan at kapayapaan,
maalagaan ang kapaligiran, at matamo ang ingklusibo at sunstenadong
kaunlaran. Noong nakaraang mahal na araw ng pagdiriwang ng Pambansang
Araw ng mga Bayani, ay marami ang nagtipon-tipon sa Maynila at iba pang mga siyudad
sa bansa upang iparinig sa mga kinauukulan na ayaw nila sa paglustay ng pera na
sa taumbayan din galing sa pamamagitan ng buwis. Maaring sabihin na wika
ang nagbuklod sa mga tao dahil sa pamamagitan ng wika sila nagkakaintindihan sa
social networks katulad ng facebook upang magkaroon ng ganyang uri ng
makabuluhang pagsasama. Maingat nating ilahad na hindi lamang Wikang
Filipino ang nagamit sa mga pag-imbita sa pagtitipon at hindi rin puro na
Wikang Filipino ang nakita sa mga plakards at iba pang paraan ng pagpapahayag
ng mga damdamin. Ngunit masasabi natin na ang mga naipahayag ay ang
kaisipang Filipino na ang lipunan ay ayaw sa katiwalian at gusto ng kaunlaran.
Ito ay isang pagpapamalas sa kahulugan ng pag-agos ng kultura sa
pamamagitan ng wika.
Ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika ay masasabing magtatapos sa katapusan ngunit
ang pagpapahalaga sa wika ay kailangang tuloy-tuloy. Ang talinghaga ng
matuwid na daan na siyang puso ng pagdiriwang ay isang walang humpay na
gawain. Kaakibat ng gawaing ito ang tama at maka-Filipinong
pag-iisip. Wikang maka-Filipino ang susi sa uri ng pag-iisip na ito.
No comments:
Post a Comment